Introduction: Tungkol Dito
Ginawa ang blog na ito, “Ang Kalusugan at ang Alcohol Addiction” upang maging gabay ninyo at mapagkuhanan ng mga kapaki-pakinabang na impormasyon na maaaring makatulong sa mga taong may problema sa alcohol addiction. Ang paniniwalang mas malala pa kaysa sa ating nalalaman ang mga bagay na kaakibat ng alcoholism ang siyang nagbunsod upang ang desisyong gumawa ng ganitong uri ng blog ay maisakatuparan na agad. Walang pagpapatumpik-tumpik at walang pag-aalinlangan. Ang pangangailangan na mapagwagian ang alcohol addiction ang isa sa mga dahilan din naman na isulat ang mga bagay na tungkol dito. Naniniwala ang may-akda na maraming tao ang maaaring makinabang sa mga sanaysay na nakasulat dito.
Ang mga problema na kaakibat ng labis na pag-inom ng alak ay matagal nang isyu sa ating lipunan. Kaytagal nang inaalipin ng ganitong kalagayan ang maraming Filipino at sa patuloy na pag-usad ng panahon, tila nagiging bahagi na ng ating kultura at pamumuhay ang alcohol addiction. Katakut-takot na kriminalidad at illegal na gawain ang maaaring maisisi, kung hindi man maituro sa mga taong labis na umiinom ng alak (drinking excessively). At maraming aksidente sa kalsada ang maaari sanang maiwasan kung nakontrol lamang ng tao ang kanyang pag-inom. Kaya nga ang isyung kinasasangkutan ng alcohol addiction ay hindi lamang nakasaentro sa kalusugan ng isang tao o sa kanyang mga isyung personal kundi kaakibat din nito ang aspeto sa kanyang pamilya, mga epekto sa kanyang kapaligirang ginagalawan at sa mga tao na nakakasalamuha niya sa kanyang sosyedad na kinabibilangan.
Huwag nating iasa kaninuman ang mga solusyon. At dito madalas ang nagiging problema. Dapat din tayong kumilos at alamin ang tungkol dito upang makatulong tayo kahit paano. Marahil, may mga kaibigan, kamag-anak o kakilala tayong dumaranas ng ganitong sitwasyon at nangangailangan ng tulong upang masagip ang kanyang kalusugan at buhay sa pangkalahatan.
Sa patuloy na paglala ng problema tungkol sa alcohol addiction, kinakailangan na matutunan natin ang mga mahahalagang impormasyon upang malabanan natin at matuldukan na ang mga problema hinggil dito. Maraming paraan upang maiwasan, kung hindi man tuluyang maihinto ang ganitong bisyo. Huwag na nating hintaying magkaroon pa tayo ng mas malalaking problema sa ating buhay. Dapat na nating gawin ngayon ang pinakamagandang desisyon sa ating buhay, ang paghinto sa paglalasing.
Kung ikaw ay naniniwalang may problema ka sa alcohol (drinking problem) kailangan mong pag-aralan ang tungkol dito. Kailangan mong makahanap ng agarang solusyon upang hindi na lumala ang sitwasyon at kondisyon. Lubhang mapanganib ang alcoholism at sinumang may malalang kondisyon ay mahihirapang makaalpas dito nang hindi nagtatamo ng mga sugat at galos ng buhay. Ngunit sa kabutihang palad, maraming programa na maaaring maisagawa upang maging epektibo ang gagawing paghinto. Mahirap man, ngunit posibleng mangyari. Kailangan lamang ang tamang diskarte at ang tamang programa. At mga taong maaaring sumuporta at tumulong tungo sa agarang paggaling. Maaaring masolusyunan at mabigyan ng tamang sagot ang mga tanong na may kinalaman dito.
Walang ibang makatutulong sa iyo kundi ang iyong sarili. Kailangan mo ang sapat na lakas ng loob at katawan upang makaligtas ka. Huwag mong hayaang tuluyang masira ng alcohol ang iyong buhay at huwag mong hayaan na ikaw ang kontrolin ng iyong bisyo. Dapat na ikaw ang kumontrol sa kanya. At dapat mong paniwalaan na magagawa mo ang lahat ng iyan.
Kung may katanungan, maaaring mag-iwan ng mensahe sa ibaba ng bawat sanaysay o sumulat sa draroselle56@gmail.com. Maraming salamat.