Ang Desisyon na Ihinto ang Pag-inom ng Alak

Ang Desisyon na Ihinto ang Pag-inom ng Alak

Ikaw lamang ang makakapagdesisyon na tumigil sa pag-inom ng alak. Maging ang iyong pamilya, mga malalapit na kaibigan, mga kamag-anak o mga kakilala ay walang magagawa kung ayaw mong itigil ang labis na pag-inom. Tanging ikaw lamang ang makagagawa ng pasya sapagkat ikaw ang may katawan. Ikaw ang hari ng iyong sarili. At ikaw ang higit na apektado sa lahat ng mga problemang dumating, dumarating at darating pa sa iyong buhay sanhi ng hindi mapigil na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Hihintayin mo pa bang pulutin ka ng iyong pamilya sa hospital sanhi ng masasamang epekto ng alcohol sa kalusugan ng tao bago ka magdesisyong magpakatino? O umutang ng pampiyansa dahil sa pagkakakulong bunga ng mga gulong kinasangkutan mo bago ka magpasyang itigil ang ganitong bisyo? Kung hindi ngayon ang panahon, kailan pa?
krus na daan
Ang desisyon mo ay mahalaga.
Ang desisyon mo ngayon ang magiging basehan ng iyong pagbabagong buhay. Ito ang pundasyon na magdidikta kung ano mang pagbabago ang pwedeng maganap kapag napagpasyahan mong huminto na sa paglalasing. Sa pagdedesisyong ito nakasalalay ang kinabukasan mo at ang kinabukasan ng mga pangarap na dati mong pilit na inaabot bago ka nalulong sa alcohol. Hindi pa huli ang lahat at maaari mo pang maitawid ang iyong mga paa tungo sa tagumpay. Habang may buhay, may pag-asa. At ang pag-asang ito ang siyang gawin mong pantulak upang makapagdesisyon ka na. Ito ang gagawin mong sigla upang matiyak mo na ang paghinto ang siyang pinakamabuting desisyon sa iyong buhay.

Huwag nang magpatumpik-tumpik. Kapag inaakala mong dapat ka nang huminto, dapat ka nang huminto ngayon. Ngayon na. Hindi bukas, hindi sa makalawa, hindi sa isang buwan kundi ngayon. Huwag mo nang hintaying abutin ka ng baha bago ka lumikas. Huwag mo nang hintaying masira ang iyong buhay bago mo ayusin ito. Marami na ang napahamak dahil sa ganitong pananaw. Huwag kang gumaya sa ganitong prinsipyo ng buhay. Kapag naniwala kang may mga problemang kaakibat ang labis na paglalasing at may masasamang epekto ang alak, kailangan mo nang gawin ang iyong mga plano at ihinto ang anumang bisyong nakagawian. Maaaring mahuli ang lahat sa isang iglap lamang. At malalaman mong tama ang salawikain na “Nasa huli ang pagsisisi”.

Ang desisyon mo na ihinto na ang pag-inom ng alak ang unang hakbang sa pagbabago. Kapag nabuo na sa iyo ang desisyong ito at bukal sa loob mo ang kapasyahan, maaari nang gawin ang mga susunod na hakbang. At dito na magisimula ang malaking pagbabago hindi lamang sa iyong buhay kundi pati na rin sa buhay ng iyong pamilya. At magiging madali na sa iyo ang pagtupad at pag-abot sa mga pangarap na minsan mo nang pinilit na abutin.

No comments:

Post a Comment